Saturday, August 31, 2013

KUNG NABABATID LAMANG NILA ni Jayson A. Cruz


Hamputsang buhay ‘to!  Noong Fourth Year hayskul ako madalas kong marinig sa titser ko ang payo niya tungkol sa tamang kuhanin naming kurso. Parati niyang inililitanya na “kung nais daw naming yumaman ay ‘wag education ang kuhanin namin.” Wala daw yumayaman sa pagtuturo. Aaminin ko, noong panahong iyon masyado pa akong ideyal na nilalang. Yung tipong ayos lang ang lahat basta’t nakakakain at nakakapagkape. Yun bang mala-bayani ang dating. Kaya itinuloy ko ang pagkuha ng kursong pagti-titser. “Wala ngang kayamanan pero mayaman naman sa kaibigan”.

Pestengyawa, habang lumalakad ang panahon at habang tumatagal ako sa pagtuturo, ngayon ko nakikita ang realisasyon sa aking ilusyon noon. Naiinggit ako sa ibang mga propesyonal na kapwa ko rin naman nagsunog ng kilay sa pag-aaral. Bakit sila lang ang may karapatang yumaman? Bakit ang mga titser, hindi? Lalo pang tumindi ang nararamdaman ko nang abusuhin ng mga motivational slash inspirational speaker ang kaisipang ito “Nasa langit diumano ang pagpapala sa katulad naming mga guro, wala dito sa lupa”. Wow! Anlakas ng tama ng speaker na ‘to. Gusto kong itanong sa kanya, bakit na-try mo na ba ang buhay sa langit? Ikaw ba ay anghel na binigyan lamang ng misyon ni San Pedro para sabihin sa mga guro ang mabuting balita para sa sangkatitseran?

"Bakit hindi pa ako ang nakapagturo kung nasaan si Napoles? Sana ngayon, instant milyonaryo na ako”.

Sanababits, nilalango tayo ng mga hinayupak na ‘to. Pilit isinisiksik sa atin na
tayong mga guro ay limitado lamang na mangarap para sa pag-unlad ng ating kabuhayan. May katubusan naman daw ang ating mga kaluluwa. Bigla ko tuloy naisip, mabuti pa ang mga katulad ni Napoles dito sa lupa, isang pirma lang ay makapagpapalusot na ng milyon-milyong salapi ng bayan. Kindatan lang ay ayos na, may instant brand new luxury car ka na, isang kalabit-penge lang ay may isang magarang condo ka na sa Makati. Iyan ay magaganap sa isang pirmahan lang ha. Samantalang kami, tayo, na tinaguriang bagong bayani ng bayan ay halos magkandakuba’t magkanda- tuberkulosis na sa kabibitbit ng mabibigat na biswal at kalalanghap ng alikabok ng chalk sa pagtuturo. Hindi nga kaya nakikita ng pamahalaan ang sakripisyo ng mga guro?

Bwakanang buhay ‘to, ang hirap kayang maging titser. Kaya ba ng ibang propesyon ang maghugas ng puwet ng mga bata na hindi naman nila kaano-ano? Tapos, sasabayan pa ng sumbong ng isang bulilit na, “ titser, titser si John po sinaksak po ako ng lapis sa likod, heto po o, nakabaon pa”. Madalas ko ngang maisip, bakit kaya hindi na lang ako sumama doon sa samahan ng mga titser na nag-abroad at kinalimutan na ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga guro ng bayan. Yun bang ABAKADAGUMANDABUHAYKO (Asosasyon ng mga Bagito, Kare-resign, at Datihang Guro na Maninikluhod sa Dayuhan, Bukas sa lahat ng Hanapbuhay Komita lang ng dolyar) Ito pa, kaya ba ng iba pang nagsunog ng kilay na gumuhit ng napakaraming bituin sa report card ng mga estudyante? Yung nasa likurang bahagi ng report card.

"Kaya ba ng ibang propesyon ang maghugas ng puwet ng mga bata na hindi naman nila kaano-ano?"
Naknamputsa, hindi biro yun ah! Kung may otsentang estudyante ka, ilang daang bituin ang iguguhit mo sa card, unang markahan pa lang iyon. Kapag tinotal mo na, mula una hanggang katapusan, aabutin siguro nang mahigit sa isanlibong bituin ang iluluwal mo, tag-iisa lang iyon ha, dahil may dagdag na bituin para sa masisipag na mga mag-aaral. Ito pa ang maluphet, ang bahaging kailangan mong sulatan ng puna, ang behavior slash attitude at academic performance ng mga estudyante. Mantakin mo iyon, walumpung estudyante ang pag-iisipan mo ng iba’t ibang komento batay sa kanilang naging performance sa loob ng isang markahan. Mabuti sana kung puro totoo ang isusulat mong puna, mas mapapadali. Kaso, hindi puwede. Hindi daw kasi bagay sa isang titser na mag komento kagaya na lang halimbawa ng ganito “Ang kapal ng mukha mo, hindi ka pumasok ng buong markahan tapos kukunin mo ngayon ang card mo!” O kaya naman ito “ Try mo kayang maligo o kaya mag-brush, amoy hampok ka na eh”. Mas maganda ‘to, “Anlandi mo naman neng, ampula parati ng labi mo, try mo kayang mag-Japan.” O kaya, ito, “lakas ng tama mo bata, sige shabu pa, tsongke pa”. Nakakabwiset di ba? Tinuturuan kang magsinungaling kung ano ang tunay mong nararamdaman. As in, ginagawa kang ROBOT. Kaya dapat ganito parati ang puna mo. “Sikaping mapataas pa ang mga marka”, “pag-ibayuhin pa ang sikap at tiyaga sa pag-aaral”, “Ipagpatuloy ang magandang nasimulan”, at ang pinakagustong isulat na puna ng lahat ng mga titser tuwing Ikaapat na Markahan, ang “Binabati Kita!”

Diablong buwang hane? Ngayon, ito pa ang pinakamasaklap na
kalagayan  ng mga guro sa kasalukuyan na sa tingin ko’y walang makagagawang pantayan ng kahit na alinmang propesyon sa buong mundo. Ang murahin ka sa harap ng estudyante mo sa harap ng klase. Ooops, tandaan ROBOT ka at hindi dapat na magalit. Kung may pampiyansa ka, puwede mong sampalin ang bata para ipaalaala sa kaniyang mali siya at hindi tamang minumura niya ang kahit na sino lalo na ang titser n’ya. Pero kung baon ka pa sa Manila Teachers, City State, at sa iba pang Palit ATM Loaning Individual, wala kang karapatang manampal. Hindi mo rin dapat balikan ng mura o kahit pandilatan man lang ng mata ang bata dahil baka maasunto ka pa, mas lalong malaking problema. Kaya ang dapat mong  gawin pagkatapos kang murahin ng estudyante mo ay ganito: “Okay class, tapos na niya akong murahin, balik tayo sa ating talakayan.”

Marianong Garapon, hindi ko alam kung saan aabot at hahangga ang aking pasensiya slash pang-unawa sa kasalukuyang kalagayan naming mga guro dito sa Pilipinas. Mukhang talagang naabuso kami ng kaisipang “Bokasyon ang iyong napili at hindi Propesyon”. Sana dumating ang panahon na mapansin naman kami ng pamahalaang ito lalo na ng lipunan. Hindi lamang tuwing may eleksyon,o kaya’y kapag Teachers Day. Hay buhay! Kailan kaya darating ang panahon na hindi lamang ang mga ARTISTA, NEGOSYANTE’T POLITIKO ang maaaring yumaman kundi pati TITSER din?


Agosto 29, 2013
MPNAG, Mandaluyong